Notes from a Plain Jane

Random Writings about anything

Liham ng isang ordinaryong mamayan sa ating pangulo

Leave a Comment
Dear Noynoy,

Ngayon ay ginugunita natin ang kamatayan ng iyong bayaning ama, hindi pa ako buhay noong mga panahong iyon pero humahanga ako sa katapangan at pagmamahal nya sa bayan. Hindi kita binoto noong eleksyon dahil hindi ko naman makita ang iyong kwalipikasyon bukod sa anak ka ni Ninoy. Marami sigurong magtatanong sa akin bakit ko nasabi yun, sino nga ba naman ako, ano ang alam ko. Pero marunong naman akong umintindi, at ang desisyon ko sa pagboto ay nakadepende sa kung ano ang nabasa ko tungkol sa mga nagawa ng mga kandidato bago pa sila magpasa ng COC. Oo, isa ako sa mga taong nagtataka bakit andami pa din sa ating mamayan ang hindi natuto sa mga nangyari sa nakaraan pero sabi nga nila, bigyan ka natin ng benefit of the doubt, baka nga naman may mga pagbabago kaming makikita at mararanasan sa administrasyon mo.

Noong unang SONA mo noong 2010, ang natatandaan kong tinalakay mo ang badyet ng bansa at sinabi mong malaki sa atin ang nawala at kung saan saang tanggapan ito nawala. Sabi mo pa nga 
"Sa administrasyon po natin, walang kota-kota, walang tongpats, ang pera ng taumbayan ay gagastusin para sa taumbayan lamang."
Ikaw din ang nagsabi na pananagutin natin ang corrupt sa gobyerno, dahil and administrasyon mo ay nasa daang matuwid at kami ang boss mo.

Ilang linggo ko nang sinusubaybayan ang mga ulat tungkol sa Pork Barrel Scam, kung san napupunta ang buwis ng mga ordinaryong mamayan na katulad ko. Isa sa mga mga kiniinisan ko sa nakalipas na linggo ay noong ikompara mo pa ang Fertilizer Fund Scam sa Pork Barrel issue ngayon. Sa mga nakalipas na taon na nasa katungkulan ka, lagi ko na lamang naririnig na malaki ang nawala noong nakaraan administrasyon, minana mo lamang ang lahat ng ito (problema) sa nakaraang administrasyon, puro na lang nakaraang administrasyon. Hindi pa pwedeng ang marining naman namin ay, ganito ang gagawin natin, wag na nating tingnan ang nakaraan at baguhin natin ang kasalukuyan. Pero hindi, puro paninisi na lamang, paano tayo uunlad kung lagi na lang ang maririnig namin sayo ay paninira o pagdedepensa na lahat ng ito ay dahil sa nakaraang administrasyon? 
Kahit naman mas maliit din ang nawawala sa gobyerno, hindi naman piso or limang piso ang pinag-uusapan natin, milyong piso na galing sa bulsa at pinaghirapan ng mga ordinaryong mamayan na katulad ko at sa paningin namin, hindi maliit ang tawag doon. Milyong piso na pinakinabangan ng iilang tao na nasa administrasyon mo, milyong piso na pinagpawisan, pinagpaguran ng milyon milyong ordinaryong Pilipino para itulong sana sa iba ring Pilipino. 

Hindi ko alam kung naiintindihan mo bakit madaming katulad ko ang naglalabas ng sama ng loob sa mga social media at nais na mapakulong ang mga taong dapat na maparusahan. Hindi rin ako sigurado kung naranasan mo ang mga pinagdadaanan ng libo-libong mamayan para lamang kumita ng pera pangtustos sa pangangailangan ng pamilya nila. Madaming OFW ang iniiwan ang pamilya para lamang kumita ng pera, madaming tao ang nagtitiyaga sa pang-gabing trabaho para lamang kumita ng mas malaki, madaming tao ang sinusugod ang baha at ulan makapasok lamang, o kaya naman ay hindi ini-inda ang sakit ng katawan. Buwan buwan,  nagababayad kami ng buwis mula sa mga pinaghirapan namin kasi gusto rin namin na umasenso ang bansang kinalalagyan namin, gusto namin makatulong kahit na minsan kulang na din ang aming sahod para sa arawaraw naming pangangailangan. Tapos ganito ang makikita at malaman namin? Ang lahat ng pinag-hihirapan namin, pinambibili ng mansyon, kotseng at pinang-gagala lang sa ibang bansa ng mga taong kahit kailan ay hindi naman naghirap para sa perang iyon. 
Sabi mo diba na kami ang boss mo, at ito ang pagkakataon natin na magkaroon ng daang matuwin. Kung talagang may paninindigan ka, at totoo ka sa iyong hangarin na tulungan ang bansa, sana maparusahan ang mga taong katulad ni Janet Lim, at siya na rin mismo, kahit sino pa sila. Sana ipakita mo sa amin, kahit sa kahuli-hulihang sentimo kung saan napunta ang buwis namin, wag kang mag-alala madaling gumawa ng oras para tingnan at basahin lahat ng iyon. Kung maari nga, tanggalin mo na ang Pork Barrel sa mga Senador at Kongresista, diba ang trabaho nila ay gumawa ng batas? Bakit hindi na lang doon ang pagtuunan nila ng pansin, at hayaan ang mga lokal na namumuno ang tumulong sa mga nasasakupan nila? Sa dami ng mga batas na dapat nilang baguhin, pagtibayin at gawin wala na silang panahon na hawakan ang ganyang kalaking pondo, o nagtatrabaho nga ba talaga sila? May mga paraan naman siguro para masigurado na ang buwis namin ay napupunta kung saan talaga nararapat. Hindi naman siguro ganoon kahirap ang hiling namin dahil nais lang namin makita ang sinasabi mong tuwid na landas.

Kung kami nga ang boss mo, sana makita namin na pinagsisilbihan mo nga kami at hindi mo pinagtatakpan ang mga tao sa administrasyon mo.
Kami ang nawawalan, kaya sana kami ang mas isipin mo.

Marami ka na nga rin sigurong nagawa na hindi ko pinag-tutuunan ng pansin.
May mga nabago ka nga siguro na magiging maganda sa atin.
Pero hindi ba't mas magana siguro kung masasagot mo din ang tanong ng lahat patungkol sa pork barrel at mapaparusahan talaga ang mga dapat maparusahan?

Hanggang dito na lamang ang liham na ito. Marahil ay hindi mo ito mababasa dahil sa dami ng mga katulad ko na gusto kang kausapin, pero malay natin.

Nagmamahal,
Isa sa libo libong taong nagtatrabaho limang beses sa isang linggo, pumapasok na mukhang basang sisiw pag maulan, at nasusunog tuwing darating ang tag-araw para lamang kumita ng pera at may ipambayad sa buwis



Next PostNewer Post Previous PostOlder Post Home

0 comments: